[Pinoy SMEs Stories]

GENERAL TRIAS, CAVITE — Hindi lang paglalako sa palengke kundi pang “online palengke” din ang mga paninda ng mag-asawang online-seller na nakilala ko mula pa sa bayan ng General Trias probinsya ng Cavite.

Si ate Emelita Alarcon, 49 kilala sa katawagan na ate Milet, ang kanyang mister na si kuya Pepito Alarcon, 44, may 2 anak. Tubong Samar si ate Milet at sa Maynila siya lumaki. At kasalukuyang naninirahan ang kanilang pamilya sa Sunny Brooke 1 San Francisco, General Trias Cavite.

Aniya, matagal na sila sa pagtitinda ng iba’t ibang produktong tatak Pinoy na kanilang inilalako sa palengke at sa online. Bago pa man magka-pandemya, sila ay nagtitinda ng lutong-ulam, pinasok din nila ang pagbebenta ng mga pabango sa online, at nagbebenta rin ng mga paso na talaga namang tinangkilik ng kanilang mga mamimili.

Nang tumama ang pandemya sa bansa ay paunti-unti itong humina at tuluyang huminto sa pagtitinda ng ilan nilang mga produktong inilalako noon. Hanggang sa pinasok na nga ng mag-asawa ang pagbebenta ng mga frozen food at mga cold cuts na produkto sa online. Halos dalawang taon na nila itong tinatrabaho at masaya sila sa napiling hanapbuhay na pinanghuhugutan nila ng kanilang mga pangangailangan sa araw-araw na gastusin.

“Nung nagka pandemic nahinto kami sa pagtitinda ng lutong ulam at paggawa ng mga pabango na itinitinda ko rin. Mabuti nakabawi dahil sa pagtitinda ng paso at pagbebenta nito online na tinatangkilik ng marami mga ilang buwan, kaso unti-unti rin humina hanggang sa napunta sa pagtitinda ng frozen food,” paliwanag ni ate Milet.

Aniya, frozen meats at mga cold cuts ang kanilang inilalako sa palengke at online na swak sa mga tapsihan, paresan, restoran, lugawan, street vendor at sa mga mamimili na walang oras na pumunta ng palengke. Kung naghahanap ka ng Beef trimmings, Pata front hocks, Beef forequarter, Beef fats, Chicken neck at marami pang iba, available ‘yan kina ate Milet.

Dahil sa mahal ang pwesto sa palengke, minabuti nilang ibenta ito sa online at pinagtiyagaan ang pagpo-post doon ng kanilang mga produkto at talaga namang customer na ang lumalapit sa kanilang sariling Facebook page para mag-order na hindi rin ganun kadaling gawin dahil sa matinding kompetisyon sa online.

“Mahal po ang mangupahan ng pwesto sa palengke, lalo na sa kagaya namin na may maliit na puhunan lang at wala pang kakayahang pumwesto sa palengke. Pinagtitiyagaan naming makabenta sa online at sa awa ng Diyos, ayun may mga bumibili sa’min,” pahayag ni ate Milet.

Sa kagaya nila ate Milet at kuya Pepito na online seller ng mga produktong inaangkat lamang at kanilang pinapatungan ng kaunting porsyento. Apektado rin sila sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin na sobrang nagpapadapa sa kagaya nilang maliit na negosyante na nagsusumikap iangat ang estado ng pamumuhay. May pagkakataon din na sila na ang kumukuha ng mga produktong inaangkat at inihahatid sa kanilang mga customer.

“Apektado kami ng pagtaas ng mga bilihin, gaya po ng pagtaas ng gas. Kulang pa ‘yung tubo sa gastos sa pagkuha sa mga products. Kaya matinding paghihigpit ng sinturon talaga,” saad ni ate Milet.

Para kay ate Milet, hindi madali ang pagbebenta online lalo pa’t malaki ang kompetisyon sa online. Ngunit, naniniwala si ate Milet na kung ano man ang sinimulan mo ay huwag mo raw ito basta susukuan bagkus, isipin mo ng maraming beses yung advantage ng binebenta mo at advantage mo sa pagnenegosyo, mas maging matatag ka pa at kumapit sa iyong pinaniniwalaang prinsipyo sa buhay at ang pananalig mo kay God na talagang masusubukan sa iyong pagnenegosyo.

Aniya, kailangang paghirapan ang lahat para magtagumpay sa pinasok na negosyo at matuto sa paggamit ng social media kung paano mo mahihikayat ang iyong target market o customer gamit ang online platforms na ito. Dapat din alamin kung paano ito didiskartehan gaya ng mga pakulo o freebies na kanilang mapapansin. Huwag mo lang talagang iisipin na malulugi ka, isipin mo kung paano ka makakaimpluwensya sa online customers mo. Tiyak makakabenta ka!

Hindi man mapansin ang iyong produkto sa online sa ngayon, ang mahalaga may ginagawa kang hakbang sa iyong sariling estilo ng pagbebenta, tradisyunal man ito o sa online. Ika nga ni ate Milet, “Tuloy-tuloy lang, ‘wag hihinto kahit hindi napapansin ang mga post mo sige lang hangga’t may umoorder sa’yo, tuloy ka lang.” [RBM]

Para sa mga nais mag-order ng mga paninda nila ate Milet at kuya Pepito, maaari ninyong bisitahin ang link sa kanilang official Facebook page accounts;

(1) Msquared Deliveries | Facebook

(1) Meaticulous | Facebook

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s