[Ni: Sid Samaniego]
ROSARIO, CAVITE — Taong 1950 nang isilang si Regidor Abueg Ragasajo o mas kilala sa katawagang “Daddy Regie”. Lehitimong taal na taga-Rosario, Cavite.
Kasabay din nito ang taon ng pagsilang ng negosyong “Kropek o Chicharon” ng kanyang magulang na sina Camilo Ragasajo at Loreta Abueg.

Dekada nubenta nakilala rin ang produkto na ito sa katawagang “HAP-DOG”. Kung bakit ito tinawag na hap-dog, maging ang tunay na may-ari nito ay hindi rin alam ang dahilan.
Sinasabing ang mga bruskong tambay sa kanto ang siyang nagbansag sa produkto na ito na mas kilala ngayon sa pangalang “kropek”.
Pangatlo sa sampung magkakapatid si Daddy Regie na may apat (4) na anak, walong (8) apo at anim (6) na apo sa tuhod sa kasalukuyan.

Madaling-araw pa lamang ay abala na si Daddy Reggie sa pagsasa-ayos ng kanyang negosyo. Bagama’t may katandaan na, ay malakas pa rin ang kanyang pangangatawan sa pagbubuhat.
Kailangang mainitan at maibilad ng hanggang 3 araw o higit pa ang ginawang kropek bago ito lutuin.
Mahaba ang proseso bago tuluyang malasahan ang sarap at malutong na kropek.
Sipag at tiyaga ang puhunan upang ganap na maisakatuparan ang minanang negosyo na may pitong (7) dekada ng bumubulusok sa merkado.
Masarap na pulutan at kung minsan ay ginagawa pang ulam. Mainit na kanin na hahaluan ng pira-pirasong kropek, sabay subo na ramdam ang malutong na uri nito habang nginunguya.
Ang tinimplahang sukang paumbong na may sili, bawang, sibuyas, at paminta na ginagawang sawsawan sa tuwing isusubo ang produktong ito na naging kaugalian na ng mga manginginom habang tinitipa ang kwerdas ng gitara sa saliw ng masayang awitin.
Ang lahat ng ito, buhat sa isang matandang hinubog na ng maraming istorya’t kasaysayan.
Walang yabang sa katawan. Simpleng-simple lang ang pamumuhay. Masaya na siya na makitang kumpleto ang kanyang pamilya. Ang kumain lang ng sabay-sabay ay sapat na sa kanya upang maging masaya.
Malalim na ang pinag-ugatan ng kanilang negosyo. Bagamat malalim ito, posibleng rin namang hindi na makita kung ito ay mapapabayaan.
Ang pangarap ni Daddy Regie ay punong-puno ng dedikasyon at ang dedikasyon niya ay may kaugnayan sa kanyang mga pangarap. #DM