NAIC, CAVITE — Hindi masama ang maghangad ng pagbabago para sa lahat lalo na kung ang kapakanan ng bawat komunidad at mga naninirahan ang makikinabang nito sa hinaharap.

Ito ang pinatunayan ng bagong mga residente ng Pagsinag Place West, Brgy. Timalan bayan ng Naic probinsya ng Cavite sa pangunguna ng kanilang itinalagang Interim President-elect Kristoffer Menpin katuwang ang kanilang Interim officers at ang opisina ng naturang barangay na sumasakop sa nasabing subdivision at ang mga residente nito na nagtataguyod ng kaayusan ng kanilang bagong pamayanan.




Wala pa mang isang-taon na naninirahan ang mga residente sa subdivision na ito, marami nang pagbabago ang kanilang sinimulan. Napag-alaman ko na ilan sa mga isinusulong na adhikain ni Mr. Menpin ay ang door-to-door na pagkokolekta ng mga basura na mapapakinabangan pa mula sa kanilang mga kapitbahay. Kanila itong ibinibenta upang gamiting pondo ng kanilang nasasakupan para sa pagbili ng mga kagamitang magagamit ng bawat residente sa paglilinis ng komunidad at iba pa.
“Kaysa itapon lang sa basurahan ‘yung mga basurang mapapakinabangan pa like plastic bottles and can, plastic wares, sirang appliances etc., bakit hindi namin ito kolektahin sa mga kapitbahay namin para gawing pera at maging pondo ng aming nasasakupan. Makabili ng gamit o materyales gaya ng grass cutter, martilyo, at iba pa na magagamit ng lahat. Thankful kami dahil nagagawa na namin ito sa pakikiisa na rin ng bawat kapitbahay namin at sa tulong ng aming mga officers.” saad ni Mr. Menpin.



Bukod dito, isinusulong din ng buong Interim officers ang kanilang youth empowerment program tulad ng clean up drive, PPW Youth Club, at health and wellness na Zumba Sunday Club.
Nakikipag-ugnayan din ang buong Interim officers sa mga concern agencies partikular sa pagsasaayos ng kuryente at daloy ng tubig (Meralco, at General Trias Water Corp.), maging sa opisina ng Developer ng naturang subdivision, at sa Property Management Office (PMO) na sakop ng buong subdivision doon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga barangay officials para sa pagpapalawig ng community development hindi lamang sa PPW maging ang mga kalapit na komunidad doon. –RBM



