Tila wala nang katapusan ang pagtaas ng mga pang-agrikultura na produkto sa bansa, at ito ay dapat nating bigyang pansin.

Nakababahala na talaga ang sunud-sunod na pagtaas ng lahat ng presyo ng mga bilihin sa bansa dulot ng inflation at iba pang saklaw nito. Halos lahat ng pagtitipid ay ginagawa ng ating mga kababayan. Nais ng bawat Pilipino sa makabagong lipunan ay kaginhawaan ng pamumuhay, patas sa kalakalang merkado at hindi ang panggigipit sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayang nilulumpo ng mga mapang-abusong smuggler o sindikato na naglipana sa bansa.

Ikinalulungkot ng mga magsasaka ng sibuyas na malulugi ang kanilang mga pananim sa oras na anihin na nila ang mga sibuyas sa huling linggo ng Enero at talaga namang sasabay ito sa pamilihan na maaaring hindi na bilhin ng karamihan dahil sa kasalukuyang mataas na presyo ng sibuyas sa ating bansa.

Biruin mo ba naman, 21,000 metric tons ang iaangkat nating sibuyas mula sa ibang bansa para mapunan lamang ang kakulangan nito. Taliwas naman ito sa nais ng ilang mga eksperto sa agrikultura na tila na ‘wrong decision’ umano ang DA dahil lalamunin ng imported na sibuyas ang aanihing mga sibuyas sa ating bansa bago matapos ang buwan ng Enero.

Kasalukyang dumadaing ang ating maliliit na kababayan maging ang mga nasa middle-class na pare-parehong apektado ng mga pagtaas ng lahat ng presyo ng mga bilihin. Bilang isang ordinaryong mamamayan at isang simpleng manggagawa sa bayang hinahagupit ng pagtaas ng mga bilihin at ang paghagupit ng kalamidad sa bansa. Ramdam ko rin ang bigat sa mga bilihin at pamasahe araw-araw. Ramdam naman ng lahat ang nakakabutas na presyo ng mga bilihin saan man tayo mabaling. Pero sa sibuyas talaga ako naluluha ng husto.

Marami na akong nami-miss na mga lutuing ginagamitan ng aroma ng sibuyas; mapa-pula o puting sibuyas. Gaya ng sizzling tofu, chicken sisig, pork sisig, simpleng scrambled egg na may sibuyas at iba pang lutuin na may halong sibuyas. Kahit ang simpleng paggisa ng gulay na hindi ko na hinahaluan ng sibuyas kundi bawang at kamatis na lang, meron naman kasing seasoning na pwedeng alternative ng sibuyas kaso sakit naman ang makukuha mo rito. Nisawsawan nga na toyo na may halong sibuyas ay hindi ko na rin nalalasap.

Tila may malaking kakulangan talaga sa desisyon ng DA sa pag-import ng sibuyas at hindi ito natutukan ng husto kung paano nga ba ang procedure ng pagtatanim hanggang sa anihan ng mga sibuyas sa ating bansa na dapat noon pa ma’y batid na ito ng mga nanunungkulan at kung nabibigyan lang din ng boses ang mga magsasaka. Malaking pangambahin ito sa mga magsasaka ng sibuyas kung paano na naman nila ibebenta ang kanilang sibuyas na aanihin sakabila nang bentahan ng imported na sibuyas sa merkado.

Sobrang dumadaing na ang ating mga magsasaka na may malaking ambag sa ating lipunan at pamumuhay na ngayon ay tila ginigisa sila sa sarili nilang sibuyas sa nagtutulog-tulogang mantika ng gobyernong hindi batid kung sila ba ay ma-‘linaw’ o ma-‘labo’ sa kanilang disposisyong tinatahak para protektahan ang ating agrikulturang kulang sa gisa. Huwag naman po natin pahirapan ang mga magsasakang lumuluha ng dahil lamang sa sibuyas. -RBM-

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s