MAISHARE KO LANG!
Ayaw ko na sana itong isulat pa, kaso lubos akong nababahala sa aking mga taga Barangay at sa aming pamilya na nakaranas ng pambubudol na ito.
AUGUST 12, 2022: Sa kahabaan ng Brgy. Paliparan 3 Site Dasmariñas City, Cavite. Patungo sa labasan ng aming barangay. Umaga iyon, kung saan marami ang abala sa paligid at naglalakad na mga tao kabilang na rin doon ang aking mga pmangkin.
Habang tulak-tulak ng pamangkin kong lalaki, 14, kasama ang kanyang kapatid na babae, 8, ang kariton na may kargadang mga galon para mag-igib ng tubig sa bahay ng kanilang lola ay may lumapit sakanila na isang lalaki nasa edad 40 pataas [ayon sa pagkakatanda ng pamangkin kong lalaki].
Aniya, habang nagtutulak sila ng kariton ay may lumapit sakanila na isang lalaki at nakikisuyo na mabilhan daw siya ng isang sako dahil may paggagamitan raw ito. Medyo nakakaawa raw ang mukha at hirap kumilos ang lalaki kaya sa awa ng pamangkin ko ay dali-dali itong sumunod at inabutan siya ng sampung (10) piso pambili ng sako. Wala siyang mabilhan agad kung kaya’t naghanap pa ito roon. Iniabot ng pamangkin kong lalaki ang hawak niyang cellphone sa kanyang nakababatang kapatid para mas mapabilis ang paghahanap niya ng sako. Nasa tawiran lamang daw sila malapit sa isang tindahan ng bigasan at tapat ng isang construction supply doon mismo sa Phase 4 papuntang labasan.
Nang bumalik ang pamangkin ko kung saan sila nakatayo para tumawid ay hindi na niya naabutan ang matandang lalaki. Tinanong niya ang kanyang kapatid na babae kung saan pumunta ang matanda. Hindi alam ng kanyang nakababatang kapatid. At nang kanyang hanapin ang phone na ipinahawak niya sa kanyang kapatid dito na niya napagtanto na wala na sa kamay ng kanyang kapatid ang phone. Naging tugon lamang ng kanyang kapatid ay hiniram daw ang cellphone sa kanya kasi may tatawagan daw. Dahil sa mga paslit pa at madaling makuha ang loob ay hindi nila lubos maisip na sila pala ay mabibiktima ng pambubudol ng masasamang tao sa paligid.
Nabatid ko na lamang ang nangyari sa mga pamangkin ko nung ako ay umuwi ng Cavite kinabukasan. Tinanong ko ang pamangkin kong lalaki kung saan sila nakapwesto nang mga oras na iyon. Aniya, malapit daw sila sa isang tindahan ng bigasan doon na katapat ang isang construction supply kung saan sila tumatawid.
Daanan talaga ito ng mga tao at maraming tao roon tuwing umaga at sa hapon na hindi talaga mapapansin ninuman ang mga panloloko sa paligid ng mga nananamantala ng kahinaan ng ibang tao. Sana malagyan doon ng CCTV at maikutan lagi ng mga taga-barangay. Hindi porke matao ay safe na, madalas doon nangyayari ang krimen na hindi natin napapansin. Gaya ng pandudukot o snatching, mga nawawala kuno at humihingi ng pamasahe para makauwi raw sakanilang mga probinsya at marami pang iba. Kahit saan naman ay may mga ganitong mga pangyayari.
Paalala lamang po sa mga taga Brgy. Paliparan 3 at sa mga kinauukulan na mag-triple ingat po tayo. Marami na kaming kakilala at kamag-anak ang madalas nabibiktima ng mga gawain na ganito. Ang pinagkaibahan lang ay mas bata na ang kanilang pinapatos ngayon.
Kaya ngayong BER months, matinding pag-iingat po ang ating gawin at pairalin ang katalasan ng pag-iisip at huwag ng makipag-usap pa sa mga hindi natin kilala. Maging isang aral po ang nangyari sa mga pamangkin ko. Alam ko marami pa ang mabibiktima ng gumawa nito sa mga pamangkin ko. Kaya maging alisto po ang mga magulang at maging ikaw na nagbabasa nito. PARAMI NA SILA NG PARAMI!
Photo: GoogleMAP