Pansin mo ba ang maikling linya na ito [ – ] sa mga puntod kung saan nakahimlay ang ating mga mahal sa buhay? ‘Di ba, napaka-iksi lang nito. Isang linyang guhit sa bawat lapidang inuukit ang pangalan at ang araw ng pagsilang at paglisan ng ating mga minamahal sa buhay sa mundong ibabaw.
Mapapa-isip ka na lang na ganun lang pala kaiksi tayong mabubuhay sa mundong ating ginagalawan. Mula sa araw ng ating pagsilang – hanggang – sa araw ng ating kamatayan ay isang maikling guhit lamang sa lapida na nagrerepresenta at nagpapatunay na maikli lang ang ating buhay.
Mayaman man o mahirap, propesyonal ka man o ordinaryong mamamayan ay dapat gawin nating makabuluhan ang ating pananatili sa lupa. Hindi ko sinasabing magpaka santo o santa ka, dapat ay alam mo kung paano maging mabuti sa lahat. Maaari tayong tumulong sa ating kapwa lalo na sa mga higit na nangangailangan ng ating tulong. Hindi pera ang sagot sa pagtulong, minsan sa simpleng ‘pakiusap at pagkilos’ ay kalugod-lugod ito sa kaluwalhatian ng ating Diyos. Huwag na tayong magkanya-kanya, mag-away, magbangayan, magyabangan, o magmatigasan sa iba dahil hindi mo rin naman iyan madadala sa iyong himlayan. Respeto ang kailangan ng bawat isa para sa pagkakaisang minimithi ng lahat. Tulungan din natin ang mga tao na nakararanas ng matinding depression at trauma sa buhay at huwag silang balewalain. Matuto tayong makipag-kapwa tao, makisama at makitungo ng mabuti at patas. Hindi mo naman kailangang makibagay o makiuso sa iba kung hindi naman ito makatutulong sa iyong pagkatao na maaring magdulot ng inggit na siyang ugat ng kasamaan at kasawian ng ating damdamin.
Ikaw na nagbabasa nito, simulan mo ang pagbabago sa buhay mo. Kung ano ang nais mong matamo sa buhay dahil ikaw lang ang may alam kung ano’ng legacy o iiwanan mong pamana sa iyong mga mahal sa buhay. Ito ba ay Kabutihang loob at asal? Kayamanan? Edukasyon? Talento? Kapangyarihan? o, kasamaan sa makamundong sopistikado?
Tandaan mo Kaibigan, lahat ng mayroon ka sa mundong ito at kahit gaano pa katinding mga pagsubok ang iyong pinagdaanan sa buhay, isang pulgadang linyang guhit ang maiuukit at tatatak sa lapida ng ating himlayan. Kaya pahalagahan mo ang iyong buhay at buhay ng ibang tao dahil sa oras na lilisanin na natin ang mundong ito, maaalala nila tayo na minsan sa buhay nila ay may isang kagaya mong nagpabago ng kanilang pananaw at pamumuhay dahil sa ibinahagi mong pagmamahal, pagpapahalaga at kabutihang-loob na kanilang tatanawin habangbuhay. #RBM
John 11:25-26
John 14:1-3
Romans 6:23