Muling humarap ang siyam (9) sa sampung (10) kandidato sa panguluhang pwesto upang ipahayag ang kanilang mas malalimang pagtugon sa pagharap sa ating ekonomiya, edukasyon, kabuhayan at ang nagpapatuloy na pandemya sa ating bansa at marami pang iba. Kung saan ay mas nakita at nasukat ang kani-kanilang husay sa pagsagot sa pagharap muli sa ikalawang debate ng Commission on Elections (Comelec) kahapon, Abril 3, 2022 na ginanap sa Sofitel Hotel lungsod ng Pasay.

Narito ang ilan sa mga huling katagang binitawan ng 9 na kandidato sa pagkapangulo;

Closing Statements:

Sinabi ni Sen. Ping Lacson sa kanyang closing statment na, “Palagi naming naririnig sayang daw ang boto sa mas kwalipikado dahil baka hindi lang manalo.  Ang totong sayang na boto ay para sa hindi karapat-dapat manalo at sa mga magnanakaw na dapat walang karapatang maluklok sa puwesto. Maawa na po tayo sa ating mga kababayang Pilipino.”

Nagpahayag din si Aksyon Demokratiko presidential Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno patungkol sa tamang pagharap sa krisis sa bansa bunsod nang nagpapatuloy na pandemya.

Aniya, “Tayo po ay nasa krisis. Ang kailangan natin ay crisis manager. My policy is Filipino first policy. Tayo muna, mamamayan muna, bansa muna natin,” “Setting priority, tao. Kayo po. Itatawid namin kayo ni Doc Willie Ong,” dagdag pa ni Moreno.

Muling inalala ni Isko Moreno ang kanyang mga pinagdaanan bilang isang garbage collector na hindi kailanman naging hadlang ang pagiging basurero nito at makaharap sa ganitong pagkakataong makapaglingkod sa bayan.

“Hanggang ngayon po hindi ko sukat akalain na humarap sa inyo ngayon. Sino mag-aakala na isang basurero ay pwedeng maging kandidato bilang pangulo? Mahirap isipin pero hanggang ngayon hindi ko alam anong purpose ko sa mundo,” 

Sinabi naman ni Former Foreign Affairs undersecretary Ernesto Abella na ang dahilan ng patuloy na kahirapan sa bansa ay ang maling pagpapatupad ng polisiya ng gobyerno.

Aniya, “Naniniwala rin po ako na kapag sama-sama tayo ay mangyayari po ang sinasabi sa ating pambansang awit na ito ay isang bayang magiliw kung saan ang bayan natin ay magiging langit sa piling niya,”

Dagdag pa, “Naniniwala po ako na if we make the right decisions, we can have a nation that is worthy of Filipinos and Filipinos worthy of our nation,”

Nais namang baguhin ni Presidential candidate Faisal Mangondato na nais nitong palitan ang sistema ng gobyerno sa federalismo na pamumuno upang ma-eliminate ang corruption at kahirapan sa bansa.

“Mga kababayan ko dito sa Pilipinas at sa labas ng ating bansa, ngayon ay ang ating ekonomiya ay mahinang-mahina po dahil sa malaki ang apektado sa ating pulitika dito sa ating bansa,” saad ni Mangondato.

“Dapat po tayo ay mag-isip at itong lumang sistema na unitarian system ay dapat palitan na ng federalismo nang maitawid natin ‘yung ating mga kabababayan na mamuhay na mabuti dito sa ating bansa,” 

Sambit naman ni Labor leader Leody De Guzman na dapat nating piliin ang lider na hindi TRAPO o traditional politician. Dapat yung lider na may kakayahang magsilbi para sa maliliit nating mga kababayan at ang pagharap sa kahirapan, at makatutulong sa mga maliliit na mga manggagawa sa bansa.

“Sa aking mga kababayan, nasubukan na nating lahat ang mga pulitiko na naging pangulo mula sa tuktok ng ating lipunan, mula sa hanay ng mga elitista, pero pagkatapos ng kanilang panunungkulan, naghangad tayo ng bagong lider na dahil sa walang nagawa, palpak ‘yung kanilang panunungkulan,”

“Kailangan natin subukan naman, sa eleksyon na ito, ‘yung mga manggagawa. Ito ‘yung unang history sa ating kasaysayan na mayroong isang lider na manggagawa na tumakbo bilang Pangulo at ito ‘yung pagkakataon sa ating mamamayan na naghahangad ng pagbabago, subukan natin ang ating magiging Pangulo mula sa hanay ng manggagawa, mula sa ibaba, hindi sa tuktok ng lipunan kung gusto natin ng pagbabago,”

Ayon naman kay Sen. Manny Pacquiao na kanyang tutugunan ang mga oportunidad para sa pamilyang Pilipino at kanyang ipapakulong ang mga corrupt na opisyales sa gobyerno kung sakaling siya ay manalo.

“Bayan, bakit si Manny Pacquiao? Pag kahirapan ang pinaguusapan sinasabi ko po palagi hindi po ito konsepto kay Manny Pacquiao ito po ay dinanas ko. Dinanas kong matulog sa kalye at magutom, tubig lang inumin ko,”

“Bayan, sinubukan na natin ang may diploma ng Harvard, boston, Oxford, sinubukan na natin. Hiling ko sa inyong lahat subukan naman natin ang University of Makati (UMak) and Philippine Christian University,”  saad ni Pacquiao kung saan ay nakapagtapos siya mula sa Umak sa kursong Bachelor of Arts in Political Science, Major in Local Government Administration.

“Makita ninyo kung paano ko ipakulong lahat ng mga kawatan dyan at paunlarin at bigyan ng opportunity ang bawat Pilipino lalong lalo na ang mga pamilyang walang sariling tahanan at hanapbuhay,”

Para kay Former Defense Secretary Norberto Gonzales na ang pagbabago ay hindi kailanman natatapos ng magdamagan lang. Mahaba at matagal na proseso bago natin matamo ang pagbabago na ating inaasam.

“Gusto ko lamang pong ipaalala sa inyo na ang pagbabago po ay hindi nagagawa sa pangmadalian lamang. Kahit tapos na po ang eleksyon dapat po pinaglalaban pa rin po natin ang pagbabagong ninanais natin sa ating bayan,” saad ni Gonzales.

“Kaya pakiusap ko po. Kailangan na maipakita natin kung gaano na kalakas ang nagbibigay suporta sa ating pangarap. Kaya pagdating po ng eleksyon medyo ipakita niyo po yan. Kinakailangan po natin. Kahit tayo po ay matalo, kailangan natin basta makita lang kung gaano na kadami o kalakas  ang nagsusulong ng tunay na pagbabago sa bayan natin,”

Panawagan naman ni Dr. Jose Montemayor na ang ating bansa ay kinakailangan ang pagkakaisa at panalangin upang maghilom ang ating mga pinagdadaanan.

“Dahil nasa mapanganib na lagay po tayo sa ating bansa, nasa pandemic pa po tayo, maraming problema, kailangan po ng dalawang bagay. Una, dapat magsama-sama tayo. United we stand, divided we fall. Isantabi muna naman ang lahat ng bagay na naghihiwalay, naghahati-hati sa atin,”

“Pangalawa, ay kailangan nating magdasal, pray, pray, pray. If God be for us who can be against us. Sa gabay ng Diyos, ang bayan ay aayos,” pahabol ni Dr. Montemayor.

Para naman kay Vice President Leni Robredo na kinakailangan ng ating bansa ay ang kalinga ng isang ina na pagmumulan ng pag-asa at magpapanumbalik ng liwanag sa ating bayan.

“Ang tunay na lakas ay wala sa pera at makinarya. Ito ay nasa pagkakaisa ng taumbayan…nakikita ko ito sa ating mga kababayan na nagbabanat ng buto para makamtan ang kanilang pinagtrabahuhan, sa pagbabayanihan tuwing may sakuna, sa mga pumupunta sa rallies kahit binabawalan, gumagastos ng sariling pera, kumakatok sa pintuan para ayain iyong iba na sumama,”

“Ang dahilan nito ay pag asa na sa dulo ng kadiliman ay may kaliwanagan. May nakikita na tayong liwanag at lalong liliwanag pa. Sa araw ng halalan, ang tatanglaw sa buong bayan ay ilaw ng tahanan,” ani Robredo. #RBM

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s