Ngayong tag-init ay kailangan nating magtipid sa pagkonsumo ng enerhiya sa loob ng ating mga tahanan. Ito ay dahil sa umiimpis ang suplay ng daloy ng enerhiya o kuryente tuwing panahon ng tag-init.
Maging ang ilang opisina sa gobyerno ay nagtitipid na rin ng kuryente. Kanilang tini-turn-off ang mga nakabukas na ilaw, ang pag set-up sa sleep mode ng mga PCs habang breaktime at ang pagbabawas ng temperature level or thermostat ng aircon sa loob ng mga opisina na kailangan ding gawin ng mga pribadong kumpanya.
Kaya naman, narito ang ilang mga pamamaraan para tayo ay makatipid ng kuryente;

1. PAGGAMIT NG ELECTRIC FAN MAS MAINAM KAYSA AIRCON. Ang paggamit ng electric fan sa loob ng ating tahanan ay mas mainam kaysa aircon. Mas makatitipid kung electric fan na lamang ang ating gagamitin dahil sa nakakapag-circulate ang hangin. Siguraduhin na malinis ang inyong electric fan para sa mas magandang buga ng hangin nito.

Kung non-inverter or traditional AC units ang inyong ginagamit, advised ng mga eksperto na mainam na iset-up ito sa 24 degrees celcius thermostat level. Kapag sinagad kasi ang thermostat ng AC units ay mas malaki ang ikokonsumo nito na kuryente na siya namang magpapatindi ng init ng ating panahon. But make sure na regular ninyong napapalinis ang inyong AC Units para hindi todo-todo sa pag set-up ng lamig nito.

2. IWASAN ANG PALAGIANG BUKAS-SARA NG REFRIGERATOR. Ang palagiang pagbukas-sara ng refrigerator sa ating mga tahanan ay kumukonsumo ng mas mataas na pagbuga ng kuryente dahil inilalabas nito ang lamig ng freezer. Kinakailangan na mabantayan din ang ating mga chikiting na madalas nilang pinaglalaruan ang pinto ng ating refrigerator na madalas ay naiiwanan itong nakabukas.

3. BUKSAN ANG MGA BINTANA PARA MAG-CIRCULATE ANG HANGIN. Kung gusto mong makatipid sa konsumo ng kuryente, mainam na buksan na lamang ang mga bintana para sa maaliwalas at preskong pakiramdam. Ang pagbukas ng mga bintana sa ating tahanan ay nakatutulong para mapalitan ang hanging-kulob sa loob ng ating bahay o kwarto kaysa sa madalas itong nakasara. Nakatutulong din ito para sa mas maluwag na pakiramdam sa ating paligid.

4. I-TURN OFF ANG INYONG TELEVISION kung hindi naman ginagamit. Halos araw-araw ay nakatutok naman tayo sa ating mga cellphone o laptop kaya hindi na nating kailangang gamitin pa o buksan ang ating telebisyon o flat screen TV kung wala rin namang nanunood nito. Mas makababawas ito ng pagkonsumo ng kuryente at makababawas din ng tindi ng init sa loob ng ating tahanan.

5. GUMAMIT NG MGA APPLIANCES NA SOLAR PANEL. Gaya ng mga ilaw o bombilya at street lights na solar panel. May nabibili na rin na mga radio cassette at electric fan na ginagamitan ng solar panel board. Patok ang mga produktong ito sa merkado at mabibili rin sa mga online shopping apps. May kamahalan man ang mga appliances with solar panel, makatutulong naman ito para makabawas sa bayarin ng ating kuryente. Sapagkat, init lamang ng araw ang kailangan sa mga produktong ito para gumana.

PRESKO SA PAKIRAMDAM KUNG IYONG SUSUNDIN
Mahalagang mabatid ng bawat isa sa atin na ang enerhiya ay nauubos din at kadalasan ay mahirap itong maibalik agad. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan ang pagtitipid sa enerhiya. Kapag umimpis ang suplay ng enerhiya sa panahon ng tag-init, mas malaking gastos ang kinakailangang ilabas para ito ay maisaayos na maaaring maipasa naman sa mga konsyumer. Dahil ang mga ginagamit na pamamaraan at mekanismo dito ay sobrang magastos.
Ang pagtitipid sa enerhiya ay makatutulong sa pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at hangin, maging sa kalusugan ng mga tao, hayop at iba pang mga nabubuhay sa mundong ibabaw. Pakaisipin natin na ang pagtitipid ng kuryente ay hindi kailanman na ating ikasasawi bagkus ang pagtitipid ng kuryente ay makatutulong din sa ating sarili upang mapagaang ang ating pamumuhay sa paraang simple at presko sa pakiramdam kung ating susundin. #RBM