MARSO 2022 — Espesyal ang buwan ng Marso para sa mga kababaihan sa buong mundo at maging sa ating bansa. Itinakda ang ika 8 ng Marso sa buong mundo dahil ito ang International Women’s Day. At dito sa ‘Pinas, hindi lamang isang araw nating pinaghahandaan ang pagtanaw sa mga kababaihan kundi ito ay ating pinagdidiriwang sa buong buwan ng Marso para kilalanin ang iba’t ibang papel ng mga kababaihan sa ating lipunan.
Sa ilalim ng Proclamation No. 224 s. 1988, ang unang linggo ng Marso ay tinakda bilang Women’s Week at ang Marso 8 bilang Women’s Rights and International Peace Day. Batay sa Republic Act No. 6949 ang pagdiriwang ng National Women’s Day bilang Working Special Holiday sa buong bansa.
Natatangi ang husay ng mga babae sa iba’t ibang larangan o propesyon na kanilang ginagampanan, sa komunidad, mga organisayon na kinaaaniban, maging sa gobyerno, sa mga pribadong opisina, sa paaralan, ospital at sa loob ng ating mga tahanan.

Kaya naman, nais kong bigyang pagtanaw at pagkilala sa mga kababaihan na nagbahagi ng kanilang mga natatanging istorya sa pagnenegosyo na puno ng inspirasyon at katatagan sa buhay. Saludo po ako sa inyong husay at pagtangkilik sa aking munting pitak para ibahagi ang inyong natatanging mga kwento ng buhay at kahusayan. Marami akong natutunan at na-realized na hindi madali ang kanilang mga ginagampanan sa buhay na madalas ay nahuhusgahan ang kanilang pagiging BABAE.
Napakagandang slogan sa social media ngayon kung saan ay pinapaalala na, “BABAE KA! HINDI BABAE LANG.”
Ang katagang ito ay nagbibigay paalala sa mga kababaihan na dumaranas ng matinding depression sa lahat ng kanilang mga kinahaharap sa buhay ngayon. Iba-iba man ang estado, katangian at katawagang ngalan sa mga kababaihan, hindi nito maikukubli na sila ay may malaking kontribusyon sa ating mundong ginagalawan.
Ang mga Babae ay may kakayahang ibalanse ang mga sitwasyon sa kanilang buhay at sa loob ng tahanan. Ang babae ay nagpapamalas ng magandang-asal para sa mga kabataan, madaling lapitan sa oras ng kapighatian at pag-iisa. Tinataguyod ng mga babae ang kanilang karapatan sa pagnenegosyo o hanapbuhay na kanilang piniling tahakin. Natatangi ang lakas ng babae na wala sa mga kalalakihan; ito ay ang busilak na kalooban at ang pagmamahal nilang hindi nasusukat kailanman. Ika nga, “women’s power is truly a great force for change.”
Pusong-mamon man, may katapangan at kalakasang tinataglay na kayang magpabago ng lahat.
Ikaw man ay isang Ina, Ate, Tita, Mama, Mommy, Mamu, Mudra, Maam o anupaman ang ibansag sa iyong ngalan, tunay kaming nagpapasalamat sa inyong mga kahusayan at katatagan.
BABAE KA at hindi pamantayan ang kasarian lang sa mga trabaho na dati rati’y mga kalalakihan lang ang gumagawa at nakakaalam. Tunay ka ngang BABAE, HINDI BABAE LANG. Happy Women’s Month! #RBM