[Pinoy SME’s Stories]

DASMARIÑAS CITY, CAVITE — Maraming pagbabago ang idinulot ng pandemya sa ating pamumuhay. Dito umusbong ang pagiging malikhain at madiskarte ng mga Pinoy para magpatuloy sa buhay at kumita sa paraan na marangal, tapat at may pagpapahalaga sa paghihirap ng iba. At kahit lumuwag na ang Alert Level status sa bansa, marami pa ring kumpanya ang nagsasara gaya ng mga restaurant na urong-sulong sa tuwing sisipa ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Photo: Si Kuya Egay at ang kanyang panindang mga gulay

Gaya ng nakilala ko na isang gulay vendor na dating cook sa kanyang pinapasukan na kilalang restaurant sa Maynila. Si kuya Edgar Pajanustan, 31, o kuya “Egay” sa mga nakakakilala sa kanya at ang kanyang misis na si ate Jona Macatabas, may dalawa silang supling at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Paliparan 3 Dasmariñas, Cavite.

Araw-araw ay tulak-tulak ni kuya Egay ang kanyang kariton na puno ng mga panindang sariwang gulay na kanyang inilalako sa kanilang barangay at kalapit subdivision doon. Pagsigaw ng “Gulay! Gulay kayo riyan mga Suki!!” ang tanging paraan ni kuya Egay para marinig ng bawat residente na madadaanan niya tuwing umaga. Kulang na nga lang ay awitin niya ang popular Filipino traditional folk song na bahay kubo, bukod sa sibuyas, kamatis, bawang at luya; makikita sa kanyang kariton ang talong, sigarilyas, sitaw, bataw, patola, upo, at kalabasa. Mayroon pang okra, sayote, saluyot, alukbati, talbos ng kamote, kangkong at maraming pang iba na mabilis ding nauubos.

Pasalamat ako at nasaktuhan ko si kuya Egay na naglalako ng mga gulay at mapalad na siya’y aking makaulayam. Inilalako ni kuya Egay ang kanyang mga panindang gulay sa pag-iikot sa nasabing lugar at sa awa naman ng Diyos ay napapaubos niya ito sa buong umaga na pag-iikot.

“Bago pa man sumikat ang araw ay inihahanda ko na mga paninda kong gulay para ilako sa umaga. Alam ko rin kasi na marami ang ayaw pa ring lumabas ng bahay, kaysa pumuwesto ako sa bangketa e, sinusuyod ko ang aming barangay. Masaya ako sa ginagawa ko at nakakapag-ehersiyo pa ako,” magiliw na paglalahad ni kuya Edgar.

Aniya, mula nang mawalan siya ng trabaho noong kasagsagan nang lockdown sa buong bansa dulot ng pandemya, dito na raw nila sinubukan na magtanim ng mga gulay na kanilang ikinabubuhay ngayon. Nang makapag-ani ng mga pananim ay doon na niya sinimulan na ito’y ilako sa mga kapitbahay hanggang magkaroon ng sariling kariton para ilako naman ang mga gulay sa kanilang mga kabarangay. Hindi alintana ni kuya Egay na siya ay dating certified cook na magiging certified gulay vendor na ngayon at ito’y kanyang niyapos ng maluwag sa kanyang loob dahil marangal ang pagtitindang ito at kinakain ng lahat. Dito nila kinukuha ang panggastos pang-araw-araw.

Hindi na raw mahalaga kung ano ang dati niyang trabaho dahil ito naman ang gusto niyang hanapbuhay at ito’y buong-puso niyang ipinagmamalaki. Aniya, sa panahong pandemya, matuto dapat tayong tanggapin ang ibang trabaho na kahit labag sa iyong nakasanayan noon. Ang mahalaga ay may hanapbuhay ka, nagsusumikap, hindi nang-aabala ng iba at gumawa ng mga paraan para kumita sa maayos na pamamaraan.

“Highschool graduate lang ako, mapalad lang at nakapagtrabaho bilang cook. Ngayon, ito na ‘yung buhay na pinili ko at masaya ako rito. Hawak ko ang oras ko at kasama ang buong pamilya ko. Mahirap man, nakakaahon din naman basta hindi hihinto sa mga pangarap na nais mong abutin,” dagdag pa ni kuya Egay.

Aniya, hindi raw sila hihinto sa buhay upang maabot ang kanilang mga pangarap na magkaroon ng sariling bahay, magkaroon ng malaking puhunan para sa inaasam nilang sariling pwesto sa palengke at makilala bilang supplier ng mga gulay sa buong Cavite.

Apektado rin daw sila sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, kaya naman bilang isang gulay vendor, may payo si kuya Egay para sa mga kagaya niyang nagtitinda. Aniya, “Maging masinop sa pamimili ng mga ititindang produkto gaya ng gulay upang walang masira lalo pa’t kung ito ay hindi nakikita ng mga mamimili at kung kaya naman ay ilako na lang sa mga kakilala. Kung may taniman ka, alagaan mong mabuti para ito’y maparami mo pa.”

Aniya, patuloy niyang susuyurin ang mga eskinita na kanyang madadaanan para mapaubos ang kanyang mga panindang gulay na fresh from their own backyard. Patunay lamang si kuya Edgar na kapag may tiyaga may nilagang lulutuin na pagsasaluhan ng kanyang buong pamilya na sabik sa kanyang pag-uwi at ang kanyang magiliw na ngiti na puno ng buhay, kulay at pag-asa na kanyang inaani sa araw-araw niyang paglalakbay. #RexMolines

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s