Nagsimula na ang unang araw sa pagbaba ng Alert Level status sa National Capital Region at karatig probinsya kung saan ay dagsa na naman ang kakapalan ng mga tao sa labas. At bago pa man ibaba sa Alert Level 1 ay dagsa na talaga ang tao kahit noong Alert Level 2 at 3 pa. Aminado naman ang lahat diyan pero sumusunod naman sa health standard ng IATF at ng bawat lokal na pamahalaan.
Sa puntong ito, nais kong isalaysay ang aking madalas na ma-encounter sa tuwing ako ay bumibiyahe pauwi ng Cavite lulan ng pampasaherong van at ‘di ko rin lubos akalain na pati sa akin ay mangyayari rin pala.
SIKSIK, LIGLIG AT UMAAPAW ANG KAKAPALAN NG MUKHA NG MGA DISPATCHER/KUNDOKTOR/DRIVER SA TERMINAL NG PAMPASAHERONG VAN SA PASAY
Pebrero 25, 2022 – Holiday, wala akong pasok! Bumiyahe ako pauwi sa amin sa Cavite para makasama ang pamilya ko ng mahaba-habang araw. Mula Quezon City kung saan ako nagtatrabaho ay bumabiyahe ako mula MRT NORTH Avenue Station patungong Taft Avenue Station. Pagdating ko ng Taft ay magtutungo na ako sa babaan patawid sa harap ng Metropoint kung saan naroon ang Terminal ng mga pampasaherong van patungong Dasmariñas Cavite.
Bandang alas 7:30 ng umaga ay narating namin ng aking kaibigan ang nasabing terminal doon. Tinanong ko kung biyaheng Paliparan-Dasma ‘yung van na nakapila roon. “OO!” raw sagot ni manong Dispatcher. Nang binuksan ko na ang pinto ng van ay napansin kong puno na ang loob. Nagulumihanan ako ng mga sandaling iyon dahil pinagpipilitan ni Manong na isiksik kami ng aking kasama sa loob ng van. Tinanong ko pa si Manong kung bakit nila pilit pinupuno ang loob ng van samantalang hindi pa naman Alert Level 1 ng araw na iyon? Tanging tugon ni Manong, “OO! Aalis na yan sige na sakay na! Aalis na ‘yan!” Apaka layo ng sagot niya sa tanong ko. Kaya medyo kumulo ang dugo ko kay Manong.
Walo ang nakasakay na sa loob ng van, isa sa harapan sa tabi ng driver at kami ng aking kasama ay napilitan na lang isiksik ang aming mga sarili sa loob ng van kahit batid namin na may mga bitbitin ang ibang pasahero at maging kami rin.
Ang buong akala namin ay mabibigyan kami ng diskwento sa pasahe namin dahil nagdagdag sila ng pasahero. Siningil pa rin kami ng P110.00 bawat isa. Nag-react ang kasama ko at ang isang matandang pasahero na bakit ang laki pa rin ng singilan nila? Ano’ng basehan nila para maningil ng sobra-sobra sa siksikang mga pasahero sa loob ng van? At hindi nga nila iyon sinagot. Kaysa mapaaway ako at mapasama pa, minabuti ko na iabot na lang ang pamasahe namin. Maging ang matandang kasakayan namin ay hindi rin nabigyan ng diskwento. Ang lupet nila!
Dedma lang pati ang Driver na nagmamaniobra ng van. Hindi ko na rin nakuhanan pa ng footage or kahit larawan man lang dahil sa hindi ako makakilos ng maayos sa loob dahil sa bitbit ko na ecobag. Kaya naman, naisip kong sumangguni sa Pasay City Public Information Office sa kanilang official Facebook page kung ano ang dapat gawin at kung tama rin ba na sila ang imessage ko? Hindi ko alam kung sino ang dapat sabihan ng aking panawagan nang mga sandaling iyon. Pakiramdam ko naaabuso na nila ang karapatan ng mga pasaherong walang kalaban-laban kundi ang nasa isip lamang ay makauwi ng ligtas at buo. Kahit pa maraming nagbabantay na mga otoridad sa kahabaan ng Coastal Road at sa Pasay Rotonda tila hindi naman mahuli-huli ang mga kolorum na mga pampasaherong van, marami lang silang palusot na ginagawa. Madalas dumadaan ang mga kolorum na mga van na ito sa kahabaan ng Baclaran area at Libertad.
Kahit noon pa man, abusado na sila sa pamasahe. Nakakasuya na ang matagal na nararanasan ng mga ordinaryong mananakay lalung-lalo na ang mga senior at mga batang kasama na sumasakay sa mga van kung saan madalas kong ma-encounter ang pagtatalo ng mga pasahero, dispatcher o konduktor at ng van driver dahil sa hindi nila pagkilala sa diskwento para sa mga senior. Wala na bang bisa ang senior discount sa panahon ng pandemic?
Nauunawaan ko naman ang pangangailangan ng mga driver at kundoktor na ito, pero tila hindi na sila nagiging patas sa pagtrato sa mga pasahero nila at sa pamasahe na wala namang sapat na basehan. Nakakabahala ang ganitong kalakaran kung magpapatuloy dahil sinasamantala ng mga ito ang pandemya upang gawing dahilan para makapaningil ng mas malaking pasahe sa mga mananakay lalo pa’t nahaharap tayo sa krisis ng dalawang bansang nagbabanggaan ang Russia at Ukraine na ramdam na ang epekto ng pagtaas ng mga bilihin.
Panawagan ko sa LTFRB o kung sino mang ahensya sa gobyerno na susugpo ng problemang ito, sana’y maaksyunan ang taas-pasahe sa mga pampasaherong van na inaabuso ng ibang mapanglamang na Driver, Operator at Kundoktor. ###