Sa nagpapatuloy na sigalot ng Russia at Ukraine, asahan natin ang pagtaas ng mga bilihin sa bansa partikular ang krudo o langis.
Sinabi ni President Adviser for Enterpreneurship Joey Concepcion sa nakaraang interbyu nito na kailangan nating tanggapin na magkakaroon ng pagtaas ng presyo sa mga bilihin. Matapos na maglunsad si Russian President Vladimir Putin ng military operation para sakupin diumano ang Ukraine kung saan ay nagpapatuloy pa rin ang mga pagsabog doon.
Dahil dito, ramdam na ngayon ang pagtaas ng presyo ng krudo sa mahigit $100 per barrel na magreresulta sa price increase ng mga bilihin.
Ang Ukraine ang nagsu-suplay ng 25% ng wheat ng mundo, at maari itong maging sanhi ng pagsirit ng presyo ng local bread.
Ayon pa rin kay Concepcion, ang magiging epekto nito sa ating bansa ay ang pagtaas ng presyo ng pandesal. Kaya naman, pinaghahanda ng mga eksperto ang publiko sa mas mataas na presyo ng langis sa gitna ng tensiyon sa Ukraine at Russia.
Ayon pa sa mga analyst, ang average price per liter ng gasolina ay maaaring tumaas mula P68 hanggang P77 habang sa diesel ay mula P59 hanggang P73. Sa mga datos na nakalap, ang halaga ng benchmark sa Brent crude ay tumaas sa mahigit $102 per barrel magmula noong 2014 makaraang lusubin ng Russia ang Ukraine. Dahil dito, inaasahan ng mga analyst ang pagsipa ng presyo ng krudo sa $120 per barrel sa mga darating na linggo.
Sa nakaraang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, walang pinapanigan pa ang Pilipinas sa sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia. Patuloy pa rin ang pagbibigay assistance sa mga nagnanais umuwi na mga OFW mula Ukraine.