PILAR, SORSOGON — Sabi nga sa isang salawikain, “Walang mahirap na gawa ‘pag dinaan sa tiyaga.” Ito ang pinatunayan ng nakilala ko na mula pa sa probinsya ng Bicol.
Pagtitinda ng isda ang siyang ikinabubuhay ni ate Mary Grace Hipos, taga Pilar Sorsogon at may 4 na anak. Mahigit 13 taon na siya sa negosyong ito.

Aniya, bago maglockdown ay maganda ang kitaan niya sa pagbebenta ng mga sariwang isda, at iba’t ibang klase ng dried fish at tinapa na kaniyang iniaalok sa kanyang mga suki kaysa ngayong nagpapatuloy pa rin ang pandemya.


Dagdag pa niya na mas tumindi pa raw ang sitwasyon ng kanilang buhay buhat ng maghiwalay sila ng kaniyang asawa dahil sa hindi pagkakaunawaan ng kanilang pamilya.
Nagpatuloy pa rin si ate Mary Grace sa kaniyang hanapbuhay hanggang sa nakilala niya ang isang lalaki na muling nagpatibok ng kaniyang puso at hanggang sa naging katuwang niya na ito sa kaniyang hanapbuhay.

Sa loob ng maraming taon ay nagsilbing aral at inspirasyon ito para kay ate Mary Grace upang mas maging matatag pa siya sa buhay. Dahil na rin sa pagtutulungan nilang mag-asawa ay nairaos nila ang kanilang pamumuhay at kabuhayan.

Bukod sa pagtitinda ng isda ay nakaisip din sila ng ibang mapagkakakitaan gaya ng pagpapa-arkila ng kanilang sasakyan pang delivery at mayroon din siyang naipundar na ukay-ukay.
Aniya, ang pandemiya ang nagtulak sa kanila upang mas maging masinop sa mga gastusin at kung paano nila palalaguin ang natitirang kakaunting ipon. Pinagpatuloy pa rin nila ang pagtitinda ng isda at nakaisip din ng kaparaanan para kumita, ito nga ay ang pagpapaarkila ng kanilang sasakyan pang delivery at pinasok din nila ang pagtitinda ng ukay-ukay. Sanay na raw sila sa matinding pagod at puyat araw-araw.

“Dapat ay matiyaga ka sa lahat ng bagay lalo na sa iyong napiling kabuhayan, hindi madali ang pagtitinda sa palengke at maglako, marami kang isasakripisyo lalo na ngayong may pandemiya at nagtataasan pa rin ang mga bilihin, lumalaki ang pamilya naminkaya kailangang kumayod para sa kanilang future,” saad ni ate Mary Grace.
Sakabila nang lahat ng ating mga pinagdadaanan sa buhay, patunay lamang si ate Mary Grace na hindi pwedeng mapagod at sumuko kahit pa na may pandemya tayong kinakaharap at ang paghihigpit ng vaccination card sa kagaya niyang nagtitinda sa palengke.
Ika nga ni ate Mary Grace, “Laban lang, kahit may virus pa sa ating paligid, tuloy-tuloy lang po tayo. Huwag susuko. Nandyan ang Diyos na handang magprovide ng lahat basta nagsusumikap at marunong magtiyaga sa buhay at kabuhayan.” #RBM