Tila karamihan sa atin ay hilong-hilo na at litong-lito pa kung sino o ano nga ba ang dapat nating paniwalaan at pagkatiwalaan?

Sinusubok tayo ng pagkakataon na masukat kung ano nga ba ang dapat nating mabatid, makilatis at kung ano nga ba ang mas matimbang, mas nagsasabi ng katotohanan at mas nakakaramdam ng tunay nating pinagdadaanan at kung sino ang dapat nating panigan? May dapat nga ba tayong panigan bilang ordinaryong Pilipino?

Isang tunay at buhay na halimbawa rito ay ang kasalukuyang kaganapan sa Comelec kung saan ang dalawang Commissioner ay nagbabanggaan ng mga maaanghang na salita’t patutsadahan dahil sa kani-kanilang mga pinaglalaban, pinaniniwalaan at pinoprotektahan. Dala na rin ng kanilang mga sinumpaang maging tapat at totoo sa bayan na ngayon ay nasusukat ang kanilang kredibilidad na tila nababawasan ang tiwala sa kanila ng taumbayan na ipaglaban at protektahan ang katotohanan at ang mga usaping hindi talos ng maliliit nating mga kababayan na ngayon ay nakikisawsaw na rin sa sigalot na ito. Maging ang mga Marites sa paligid ko, ito rin ang kanilang pinag-uusapan. Ano na Comelec?!

May tila nalabag umano na pamantayan tungkol sa kanilang pagboto laban sa diskwalipikasyong (disqualification case) isinampa kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa pag-aantala ng kani-kanilang mga boto.

Nagsabi pa ang Commissioner na simula ngayong weekend ay maglalagay umano siya ng mga billboard sa Metro Manila at kaniyang ikakampanya ang “Labanan ang Mali, Labanan ang Masasama.”

Sa totoo lang, walang Pilipino ang hindi “BIAS,” lahat tayo ay mayroong “bias” ito ay kung sino at ano ang ating pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan. Walang hindi bias sa ating lahat, sapagkat mayroon tayong pinapanigan at pinaniniwalaan. Magkakatalo lang talaga sa ating mga relihiyon, kultura at mga kasanayan kung paano tayo hinubog ng makabagong mundong ito dulot na rin ng makabagong teknolohiya sa makabagong kaparaanan at kakayahan ng bawat indibidwal dahil tila lahat ay mayroong nais iwaksi sa kanilang kaibuturan sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang social media sites and digital platforms na makapanira ng ibang tao lalo na sa mga politikong tumatakbo. Ganun ka-hi-tech ang mga Marites ngayon!

Bago pa man pumasok ang taong 2022, bukang-bibig na natin ang salitang “Marites” at “Bias” na animo’y dinaig pa ng trending and famous controversies sa bansa. Sa totoo lang, hindi ito kaaya-aya na marinig at makasanayan nating mga Pilipino at ng mga kabataan ngayon. Dinudungisan nito ang ating pagkatao, wika at ang ating bansa. Nag-iiwan ito ng matinding mantsa at marka sa ating pagkatao. Sa totoo lang, mahirap pumanig sa kung sino ang nagsasabi ng totoo, kung sino ang nagsisinungaling, at kung sino ang umiiwas sa mga samu’t saring kontrobersiya.

Sa panahon na magulo ang mundo ng politika tuwing nalalapit ang Halalan sa bansa. Mas tumitindi ang patutsadahan ng mga kumakandidato sa iba’t ibang posisyon na kanilang pinag-aagawang maupuan.

Kahit na nagpapatuloy pa rin ang pandemya sa bansa, marami pa ring mga politiko, mga nagtatrabaho sa gobyerno ang inaabuso, pinapatay at nakatatanggap ng death threat dahil sa mga nalalaman ng mga ito at ayaw magsalita pa upang hindi na madamay pa ang kani-kanilang mga pamilya. Madugo ang politika, mahirap din magsalita laban sa kapwa kalaban.

Hindi ka maaaring maging “NEUTRAL” lang sa mga usaping ito. Hindi ka pwedeng maging neutral dahil kung magkaganon, pinatunayan mo lamang na ikaw ay pumapanig sa sinungaling, magnanakaw at nagmamalinis.

Hindi ka nagiging tapat sa sarili mo, sa bayan at sa Diyos. Dapat ‘yung totoo lang, dapat ‘yung nasa tama lang. Dapat marunong kang manimbang at magbalanse ng sitwasyon at ng pamantayan ng isang lider at ang pamantayan mo sa isang lider na hinahangad mong mailuklok sa bansa.

Tandaan mo, sa pagpili ng iyong ikakandidato, ito’y magre-reflect ng iyong pagkatao, ng future mo at ng ating bayan. Dapat future mo at ng ating bayan ang masilip mo sa kanilang mga sinasabi at hindi kung ano ang magiging future nila sa gobyerno at panunungkulan dahil lamang sa naging MARITES ka ng minsan at sila ang pinanigan mo, naging BIAS ka at sila ang pinili mo at naging NEUTRAL ka dahil hindi pala sila ang tunay mong hinahangad para sa ikabubuti ng lahat. Matuto na tayo! #RBM

[Photo credit to Owner]

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s