[Photo credit: Mike motovlog PH / Shaira Luna Photography]
“Hindi biro ang pagiging Delivery Rider/Driver lalo na sa mga Customer na mapang-abuso.“
Ito ang saloobin ng ilan nating minamahal na mga delivery riders at drivers sa mga nae-encounter nilang mapang-abuso na mga customer sa fake orders ng mga ito, at iba pang mga usaping nakakababa ng kanilang dignidad sa kanilang mga nakakabanggaang customer.
Kamakailan lang ay mayroon na namang nag-viral na video ng isang Grab Rider at isang maangas na customer na kaniyang sinisigawan ang Grab Rider dahil sa wala itong panukli na barya para iabot sa nanggagalaiting customer at tila nanuntok pa. Maaanghang na mga salita ang ibinabato ng bastos na customer sa kaawa-awang rider.
Sa totoo lang, malaki ang naiaambag ng mga delivery riders/drivers para mapagaang nila ang ating pamumuhay lalo na sa mga takot lumabas, walang kasama o walang mauutusan para bumili ng mga pagkain, gamot, groceries, at marami pang iba.
Mabuti na lamang ay may mga mambabatas ang nagkaroon ng pagkakataong mabusisi at isulong ang panukala o batas na magbibigay proteksyon sa mga delivery riders/drivers na sobrang nakararanas ng perwisyo, pangungutiya, at pamamahiya sa publiko dulot ng mga fake orders at fake customers.

Gaya sa panayam ko kay Sir Michael “Mike” Nierva Olaso sa kaniyang Facebook page na Mike motovlog PH, isang delivery rider at vlogger at na-feature na rin sa Manila Bulletin.
Aniya, nagsimula siyang maging delivery rider nitong Abril 20, 2021 lamang. Dahil na rin sa hirap ng buhay at mga pinagdaanan nilang mag-anak ay kinailangan niyang pasukin ang pagiging delivery rider para makatulong ng suportang pinansyal sa kanilang pamilya. Dito rin siya nagkaroon ng pagkakataong paunlarin ang sarili at pasukin ang pagbo-blogging. At kalauna’y dumami ang kaniyang mga followers na umaabot na sa mahigit 15k followers.
Naitanong ko rin kay Sir Mike kung ano ang kaniyang saloobin tungkol sa batas na isinusulong ngayon para sa mga kagaya niyang delivery rider?
“Napaka ganda po at para maiwasan na rin ang mga panluloko nila [fake customers] sa mga katulad naming mga rider. Hindi lang Grab at para sa lahat na delivery riders at iwas na rin sa abala ng delivery, para hindi na rin umabot sa pagtatalo ng delivery at customer na nag-viral nakaraang linggo. Kung sa akin lang bilang isang delivery rider, lahat Online Payment na kung baga Pick-up Deliver na lang para iwas abala sa lahat, merchant, delivery at customer.” saad ni sir Mike tungkol sa Delivery Riders Bill No. 2302 para sa karapatan ng bawat delivery riders.
Ano nga ba ang Delivery Riders Bill?
Pasado na sa Senado ang isinusulong na Delivery Riders Bill na may titulong Senate Bill 2302 o ang, “An Act Providing Measures to Protect Individuals Engaged in Food, Grocery and Pharmacy Delivery Services, seeks to protect delivery riders and drivers from shelling out personal money for canceled bookings or hoax orders.”
Ayon kay Sen. Joel Villanueva sa kaniyang Facebook post, “Bilang isa sa nagsulong ng Senate Bill No. 2302 o ang “Delivery Riders Bill”, layunin po nating proteksyunan ang publiko at ang ating mga delivery riders laban sa pekeng “pabili” at “pasabay”.
Bukod kay Villanueva, pinasalamatan niya rin ang mga co-authors ng Senate Bill na sina Sen. Lito Lapid, Sen. Koko Pimentel, at Majority Leader Migz Zubiri sa napapanahong pagsulong nito.
Sa mga nagdaang pag-uulat mula nang tumama ang pandemya sa bansa, umusbong ang usaping ito dahil sa mga nararanasang pang-aabuso sa mga delivery riders.
Ang mga panluloko ng mga fake cutomers, fake orders, at pekeng “pabili” at “pasabay” ay sobrang nagdudulot ng pangamba, abala at banta sa buhay ng mga delivery riders.
Sapagkat, labis ang pang-aapak sa pagkatao ng mga delivery riders na kanilang natatanggap. Madalas ay iniiyak na lamang ng mga ito ang sobrang sama ng loob sa mga nakapanakit sa kanila. Nawalan na nga sila ng kita at madalas din silang maaksidente at maaari rin nilang ikasawi. At ito ay hindi batid ng nakararami sa atin dahil sa simpleng pagkakamali o kakulangan ng delivery ay agad silang kinukutiya at ipinapahiya ng mga mapang-abuso at mapanlinlang na customer sa publiko. #RBM