Kumusta mga kaibigan? Sana ay ligtas kayong lahat at sumusunod sa mga alituntunin sa inyong lokal na pamahalaan at ng IATF. Tayo po ay nasa ika-14 na araw na po sa bagong taong 2022. Marami ang nangyayari sa atin araw-araw. Sa sobra nating pagiging abala at pagkabahala sa nagpapatuloy na pandemya sa bansa at sa buong mundo ay tila nakakalimutan natin bigyang-pansin ang iba nating mga kababayan na patuloy na nakararanas ng panloloko ng ibang tao kahit pa nasa gitna pa tayo ng pandemya. Gaya na lamang ng isa nating kababayang OFW mula sa Qatar na dumulog sa inyong abang-likod tungkol sa diumano’y pagsali nito sa isang Online Paluwagan para sa kagaya niyang OFW at tila na-scam siya.
Para sa pag-iingat na rin ng aydentidad o pagkakakilanlan (identity) ng OFW nating kababayan ay itago natin ang kanyang ngalan bilang “Cherry,” edad 32, at kasalukuyang naninilbihan bilang Domestic Helper sa Qatar.
Ayon kay Cherry, sumali raw siya sa isang online paluwagan na eksklusibo lang para sa kagaya niyang OFW. Aniya, marami raw ang kasali sa naturang online paluwagan na ito. Kapwa Pilipino at OFW din ang namamalakad nito at naninirahan lamang dito sa Pilipinas. Maraming mga pinapangako ang online paluwagan na ito, aniya, para silang nag-iinvest dito sa kung anuman ang gusto nilang iinvest gaya ng pagpapagawa ng bahay, home appliances, alahas o gold at iba pa.
Ayon kay Cherry, naengganyo siyang sumali sa online paluwagan na ito na lantad sa social media. (Para sa pag-iingat ng mga nasasangkot ay hindi na natin ito o sila pangangalanan).Aniya, ang mga kasapi dito ay bibigyan ng slot bilang tanda na ito ang magiging “turning slot” mo para maghulog sa loob ng ilang buwan na pagsali. Kapag nakompleto mo ang buwanang hulog na iyon ay saka naman nila bibilhin ang mga materyales na gagamitin sa ipagagawa mong bahay. Sila na ang bahala na maghahatid ng mga materyales na panggawa ng bahay mo gaya ng hallow blocks, semento, bakal at iba pa. Talagang ipapakita pa nila sayo na sila ay legit na naghahatid ng mga materyales sa inyong lugar gamit ang isang malaking track. Bukod dito, marami raw na pwede mong makuha mula sa Online Paluwagan na ito gaya ng mga home appliances at iba pa. Depende sa kung ano ang gusto mong iinvest.
Aniya, isang kapwa OFW ang nakilala niya sa online kung bakit siya napasali sa naturang paluwagan. Iba-iba raw ang nag-ooperate ng Online Paluwagan. Ang kanyang iniinvest dito ay materyales para sa itatayo niyang bahay para sa kanyang pamilya sa probinsya nila. Ito rin ang kinuhang investment ng mga kasama ni Cherry. Hanggang ngayon ay wala silang nakukuhang response o update sa itinuturing nilang head manager at mga collector nito.
Nagsimulang sumali si Cherry nitong Pebrero 2021. Matapos ang apat na buwan na kanyang paghuhulog ng P5,000.00 kada buwan ay minabuti na niya na iwithdraw ang kanyang naipong pera na umabot na sa P20,000. Pinagbigyan naman nung una ang kanyang request at nakapag-refund ng 5k ngunit nang sumunod na mga araw/buwan ay hindi na sumasagot sa chat ang namamahala ng kanilang GC na itinuturing nilang founder.
Ayon sa kanilang karanasan at nalalaman, marami na raw winalang-hiyang tao ang Online Paluwagan na ito. Umiiyak na lamang ang karamihan sa kanila dahil hindi pa naibabalik ang kanilang pera. Maraming excuses at alibi o mga dahilan ang mga nangangasiwa ng online paluwagan na ito. Kaya ang malaking tanong sa kanilang isipan ay kung nasaan na raw ba ang kanilang perang ininvest?
Paglilinaw pa ng mga nagrereklamo ay mayroon na ring kasong kinahaharap sa Fiscal ang naturang online paluwagan at ito ay patuloy pang inaalam.
Sa mga ganitong pangyayari, hindi talaga maiiwasan na marami sa ating mga kababayan ang patuloy pa ring naloloko ng mga investment scam. Gaya na lamang sa isang sikat na personalidad na si Ogie Diaz na kanyang ipinoste sa kanyang Facebook page ang nangutang sa kanya na asawa diumano ng basketball player na si Ms. P at umabot na sa milyon ang perang ininvest ni Diaz. Aniya, maraming mga ipinapangakong magaganda sa kanya si Ms. P at di kalaunan ay nahuli na rin ng mga otoridad si Ms. P at ang kasama nito dahil sa maraming nagrereklamo sa kanilang panloloko.
Ayon sa Security and Exchange Commission (SEC), ang online paluwagan ay hindi nila saklaw ngunit kung may “investment taking” na rito na nagaganap ay dapat ma-regulate sa kanilang tanggapan. Gaya ng kanilang inilabas na Advisory vs. REPA kung saan ay tumatago sila sa pagiging Online Paluwagan at nangangako sila ng additional profit. Tandaan natin na ang online paluwagan ay walang legal contracts or legal basis na ginagamit kung kaya ito ay ikinokonsidera na ilegal at hindi ito pinahihintulutan ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Department of Trade and Industry. #RBM