Taun-taon, laging problema ang baha sa panahon ng tag-ulan. Pangunahing dahilan pa rin ng pagbaha sa Metro Manila ay ang mga basura na nagdudulot ng pagbara ng mga kanal, imburnal at estero sa bawat komunidad.
Sa kabila nang palagiang pagsasagawa ng paglilinis sa drainages at mga estero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metro Manila Department Authority (MMDA) at kahit pa nagkaroon ng flood control program na ginastusan nang malaki noong 2010, patuloy na inaanod pa rin ang usaping ito dahil na rin sa katigasan ng mga ulo ng ating mamamayan, partikular sa Metro Manila.Halos isang Linggo na tayong inuulan ng tuloy-tuloy dulot ng habagat. Maraming mga lugar na ang lubog sa baha; ilang bahagi ng Quezon City, sa Maynila sa bahagi ng España Blvd., sa kahabaan ng Taft at Rizal Avenues at ang ilang bahagi rin ng Cavite partikular ang Bacoor, Imus at bayan ng Rosario. Maging ang Marikina river na patuloy na binabantayan at ang paglilikas sa mga residente roon, maging ang probinsya ng Oriental Mindoro at iba pa ay nakararanas din ng pagbaha.
Ang baha ay nagdudulot sa atin ng pangambahin dahil sa mga trahedya na dala nito lalo na kung hindi tayo handa, may mga namamatay dahil sa pagkalunod at may mangilan-ngilang din ang naitatalang nawawala na mga residente bunsod ng pag-apaw ng mga ilog. Bukod dito, maari ring makakuha tayo ng mga sakit sa baha na gaya ng dengue at leptospirosis.Kung tutuusin, mula pa noon ito na ang ating kinahaharap na problema.
Maliit pa tayo ay tinuturo na sa atin sa paaralan ang tamang pagtapon ng mga basura at kung paano ito i-segregate. Tila hindi yata tayo natututo. Ito rin ay tinuturo sa ating mga tahanan, ngunit hindi naman natin pinapansin. Binabalewala natin ang mga basura na tayo rin naman ang nagkakalat. Ang ending, tayo rin ang napeperwisyo.Karaniwang bumabara sa mga daluyan ng tubig-baha ang mga single-used plastic gaya ng sando bags, grocery bags, sachet ng iba’t ibang 3-in-1 coffee, shampoo, toothpaste, at ang mga basura na hindi nabubulok gaya ng plastic bottle, styropor, at iba pa.
Sa patuloy na paglilinis ng mga otoridad bago pa man magtuloy-tuloy ang pag-ulan, tone-toneladang mga face masks ang nakolektang basura. Kamakailan ay napaulat din ang pagtatapon sa hindi tamang basurahan ng mga used na COVID-19 testing kits gaya ng syringe, medical gloves, at iba pa.
Nakababahala talaga ang kawalan ng displina ng mamamayan sa basura.Kahit sino pa ang mamuno sa bawat komunidad o lokal na pamahalaan kung ang mamamayan ay walang disiplina sa tamang pagtapon ng basura, paulit-ulit natin itong mararanasan.
Magkaroon po sana tayo ng inisyatibo at disiplina sa tamang pagtapon ng ating basura.Sa ngayon, iminumungkahi ng mga otoridad na magkaroon ng batas o mas higpitan ang mga ordinansa sa bawat barangay o komunidad upang maparusahan na ang mga mahuhuling magtatapon ng basura sa hindi tamang tapunan. Maging responsableng mamamayan po tayo nang hindi tayo naaabala ng baha. (RBM/Hinuha at Balita)